-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Binawian ng buhay ang mag-asawa sa pananambang sa lalawigan ng Maguindanao Del Norte.

Nakilala ang mga nasawi na sina Abubacar Abdul,Barangay Chairman ng Barangay Polloc Parang Maguindanao Del Norte at misis nito na si Baisa Abdul.

Ayon kay Parang Chief of Police Major Christopher Cabugwang na sakay ang mga biktima ng isang kulay puting Toyota pickup na minamaneho ni Kapitan Abdul sa bahagi ng Sitio Timbangan Brgy Sarmiento sa bayan ng Parang ng bigla itong tambangan mga hindi kilalang mga armadong kalalakihan gamit ang kalibre.45 na pistola.

Sumadsad sa gilid nang national highway ang pickup matapos tamaan ng bala ang mga biktima.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo nang matunugan nila na nagresponde ang mga sundalo at pulis.

Naisugod pa sa pagamutan ang mag-asawa sa Cotabato City ngunit binawian rin ito ng buhay nang magtamo ng maraming tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanilang katawan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Parang MPS sa pananambang sa mga biktima.