BAGUIO CITY – Nakakulong na ang lider at isa sa mga miyembro ng criminal group na konektado sa iba’t ibang iligal na aktibidad sa lalawigan ng Kalinga matapos mahuli sa Brgy. Balong, Tabuk City, Kalinga noong nakaraang linggo.
Nakilala ang lider ng Doctolero Criminal Group na si Jerry Carag Doctolero, 44, kapitan ng Barangay Balong, Tabuk City habang nakilala ang miyembro nito na sina Jocel Carag Doctolero, 33, magsasaka at residente sa naturang lugar.
Nakumpiska mula sa kapitan ang anim na magazine ng M16 rifle; isang magazine ng caliber 9mm pistol; tatlong magazine ng AK 47 rifle; 32 bala ng M16; isang bala ng .45-caliber pistol; isang bala ng shotgun; dalawang magazine ng caliber 30; isang plastic case ng caliber 30 rifle; at isang plastic case ng Taurus pistol.
Nakuha mula naman kay Jocel Doctolero ang isang AK 47 rifle, isang magazine ng AK 47 rifle at dalawang bala ng AK 47 rifle.
Nahuli ang mga indibidual sa pamamagitan ng search warrant na inihain ng Regional Trial Court, Branch 25, Bulanao, Tabuk City, Kalinga.
Kinumpirma naman ni Cordillera Police Regional Director PBGen. R’Win Pagkalinawan na ang Doctolero Criminal Group ang siyang responsable sa serye ng gun running, gun trading at land grabbing sa Kalinga at sa mga karatig nitong probinsya.
Umaapela rin ang Cordillera Police sa publiko partikular sa mga naging biktima ng grupo para magreport sa pinakamalapit na istasyon ng nga mga kinauukulan para sa paghahain ng kaso kontra sa mga suspek.