-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nakatakdang sampahan ng kaso ng Iloilo Police Provincial Office (IPPO) ang apat na katao na naaresto dahil sa pagbili ng boto sa Sitio Pangpang, Barangay Poblacion, Ajuy, Iloilo.

Ang mga nadakip ay sina Fe Dorban, 50-anyos, at Nemia Arellado, 58, parehong health worker sa Barangay Poblacion; Solomon Ubay, 52-anyos na tanod sa Barangay Poblacion; at Edwin Yamson, 59, ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Van John Herson Luspo, hepe ng Ajuy Municipal Police Station, sinabi nito na kasong paglabag sa Omnibus Election Code ang isasampa laban sa apat na nahuli.

Sa inisyal na imbestigasyon, dalawa sa mga arestado ay maituturing na “buyer” at dalawa naman ang “seller.”

Mismong ang intelligence officer ng IPPO ayon kay Luspo ang magsisilbing witness sa kaso matapos na makuhaan ng voice recording at video ang nangyaring “vote buying.”

Kabilang sa mga nakuha ng mga otoridad ay ang listahan ng registered voter’s, sobre na may lamang pera, sample ballot at leaflets.

Todo-tanggi naman ang isa sa mga nahuli na si Nemia Arellado sa mga paratang laban sa kanila.

Ayon kay Arellado, niyaya lamang sila na tumulong sa pangangampanya para sa kandidatura ng isang kandidato at hindi nila alam na mayroong “vote buying” na nagaganap.

Hindi rin daw nila alam ang pangalan ng kandidato na kanilang tinutulungan sa pangangampanya.