-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Inihahanda na ng mga pulis ang kasong isasampa laban sa suspek na tumaga sa kanyang tatlong kaanak kung saan dalawa ang patay kabilang ang isang barangay kagawad, habang isa ang sugatan sa Bago City, Negros Occidental.

Naganap ang krimen sa Purok Balunggay A, Brgy. Ilijan, Bago City kung saan namatay ang mag-ama na sina Barangay Kagawad Manuel Suriaga, 71-anyos at ang kanyang anak na si Rene Suriaga, 48-anyos; habang sugatan naman ang pamangkin ni Manuel na si Jonarie Suriaga, 48-anyos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Lt. Col. John Joel Batusbatusan, hepe ng Bago City Police Station, pinuntahan ng suspek na si Eleodoro Suriaga ang kanyang tiyuhin sa kanilang bahay at pinagtataga hanggang mamatay.

Nagresponde si Rene sa kanyang ama ngunit lingid sa kanyang kaalaman, nagtago lang pala ang pinsan sa puno ng kahoy.

Dito na’t pinagtataga ng suspek ang kanyang pinsan hanggang mamatay.

Tinaga rin ng suspek ang kanyang pinsan na si Jonarie ngunit nakailag ito at nagtamo lamang ng minor injuries.

Kaagad namang nahuli ng mga pulis ang suspek at nakatakda nang sampahan ng kasong multiple murder.

Ayon sa hepe, maaaring nagtanim ng sama ng loob ang suspek sa kanyang tiyuhin dahil nitong nakaraang araw, nakarinig ito ng usap-usapan mula sa barangay kagawad na siya ang pinaghihinalaang suspek sa paggahasa sa kanyang kapatid, 20 taon na ang nakararaan.

Ang kapatid ng suspek ay namatay na rin dahil sa sakit na polio.