CAUAYAN CITY – Mahaharap sa kasong robbery extortion ang isang barangay kagawad at isang dating miyembro ng Philippine Army matapos na madakip sa isang entrapment operation sa Rizal, Roxas, Isabela.
Ang mga pinaghihinalaan ay sina Daniel Garcia, 49-anyos, barangay kagawad at residente ng Villanueva, San Manuel, Isabela at Jefferson Balurin, 32-anyos, AWOL na miyembro ng Philippine Army at residente ng San Francisco, San Manuel, Isabela.
Nakilala naman ang biktima na si Deslyn Llanes, 21-anyos, estudyante at residente ng San Antonio, Roxas, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rassel Tuliao, hepe ng Roxas Police Station, sinabi niya na ang pagkakadakip ng mga pinaghihinalaan ay nag-ugat sa pagsusumbong ng biktima dahil sa pangingikil ng mga pinaghihinalaan kapalit ng pag-alis nila sa pinagtatalunang lupa sa kanilang lugar.
Aniya, nagsilbing tagabantay sa pinag-aagawang lupa si Llanes at sinabihan ng mga pinaghihinalaang magbigay na lamang ng P300,000 kapalit ng pag-alis nila sa binabatanyang lupa.
Agad na ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng Roxas Police Station at Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang isang entrapment operation sa isang fast food chain na nagresulta ng pagkakadakip ng mga pinaghihinalaan.
Nakuha sa kanilang pag-iingat ang P1,000, 29 piraso ng boodle money, at dalawang cellphone.
Dinala sa himpilan ng pulisya sina Garcia at Balurin kasama ang mga nasamsam na ebidensiya para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Hinimok ni PMaj. Tuliao ang publiko na makipag-ugnayan sa kanilang himpilan upang hindi na maulit ang ganitong uri ng pangingikil.