BACOLOD CITY – Kasong paglabag sa Republic Act 7581 Price Act ang nakatakdang isasampa laban sa isang barangay kagawad, isang empleyado ng gobyerno at dalawang iba pang indibidwal, na nahuli sa entrapment operation ng mga otoridad sa Lungsod ng Bacolod.
Ang operasyon ay isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Bacolod sa BS Aquino Drive, Barangay Villamonte, Bacolod City kahapon.
Kabilang sa mga nadakip ang online seller at empleyado ng pamahalaan na si Mary Grace Aluhipan, 33-anyos na residente ng Barangay 1, Pontevedra, Negros Occidental; at si Kagawad Janice Fernandez ng Hustisya Street, Barangay 1, Pontevedra.
Maliban sa kanila, naaresto rin ang mga nagngangalang George Chua, 55, ng Barangay 1, Pontevedra; at Ricardo Uy ng Burgos Street, Barangay 17, Bacolod City.
Pawang nagbebenta ang mga ito ng refill ng ethyl alcohol na nakalagay sa plastic container.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Chief Master Sergeant Ramiro Gocotano, officer-in-Charge ng CIDG-Bacolod, P2,700 ang suggested retail price ng 18 liters na plastic container ng ethyl alcohol ngunit ibinibenta ito ng mga suspek sa halagang P3, 900.
Kasunod ng impormasyong kanilang natanggap, nagsagawa ang CIDG ng buy bust operation kung saan naentrap ang mga suspek.
Una nang naiulat na nagkakaubusan na ng alcohol supply sa iba’t ibang grocery store at supermarket sa bansa.