DAGUPAN CITY – Naaresto na ng mga otoridad ang mga suspek na hinihinalang pumatay at humalay sa isang guest relation officer (GRO) sa Brgy. Tagac, Mangatarem, Pangasinan.
Una rito, natagpuang wala nang buhay sa gilid ng ilog ang biktimang si Annalyn Canonisado, 32-anyos, isang single parent at residente ng Brgy. Poblacion, Porac, Pampanga.
Sa ekslusibo namang panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay P/Maj. Aurelio Manantan, hepe ng Mangatarem PNP, sinabi nito na matapos ang napaulat na insidente ay agad umanong nagsagawa ang kanilang hanay ng “tracking” sa buong pangyayari.
Dito napag-alaman na nag-umpisa ang lahat sa isang beerhouse sa Camiling, Tarlac na pinagtratrabahuan ng biktima.
Tinangka umano ng dalawang suspek na kinilala bilang si Florante Fortin Jr. at kasamahan nitong si Rolando Moreno na ilabas ang biktima, bagay na hindi naman pinayagan ng kanyang manager.
Upang makumbinsi, iniwan umano ni Fortin ang isa nitong ID kapalit ng pagpilit sa namamahala na ibabalik din niya ang nasabing GRO.
Dito naman aniya natunton ang pagkakakilanlan ng isa sa mga suspek na isang barangay kagawad at kalauna’y isinuko din ng kanyang pamilya sa pulisya.
Samantala, sa follow-up investigation, matagumpay ding nahuli ang kasama pa nitong suspek na si Moreno na noo’y nagtatago umano sa Guiguinto, Bulacan.
Nasampahan na ng kasong “murder’ ang dalawang nabanggit na suspek matapos aminin ang ginawang krimen.