-- Advertisements --

VIGAN CITY – Humugit-kumulang dalawang buwan na minanmanan ng mga otoridad ang isang Brgy. Kagawad na nakuhanan ng hinihinalang shabu sa naisagawang search warrant operation sa Brgy. Turod-Patac, Cabugao, Ilocos Sur.

Sa Panayam ng Bombo Radyo Vigan kay PMaj. Juan Jhayar Maggay na hepe ng Cabugao Municipal Police Station, itinanggi ng suspek na si Leo Ronnel Tobaco Taberna, 36-anyos na high-value target ang mga nakuha sa kaniyang kontrabando.

Aniya, sa isinilbing search warrant ng Presiding Judge ng RTC 24 sa Cabugao, Ilocos Sur ay nagresulta ito ng pagkakatuklas ng pitong plastic sachet ng hinihinalang shabu na nakapaloob sa isang menthol container na may bigat na 5.061 na gramo na may halagang P45,549 at 10 lighter.

Sinabi pa nito na nabigla ang kapitan ng nasabing barangay at ang iba pang mga kasamahang opisyal ng barangay dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na aktibidad ng nasabing barangay kagawad.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Cabugao Municipal Police Station ang suspek para sa documentation at disposition.

Ibinabala pa ng hepe sa publiko na anumang ilegal na gawain ay kailanman ay di matatakasan dahil kahit nakatakas man ngayon ay magkakaroon din sila ng pagkakataon upang mahuli ang nasasangkot.