-- Advertisements --

ROXAS CITY – Pinaghahanap pa rin ng mga pulis ang isang barangay kagawad na itinuturong bumaril sa 19-anyos na lalaki sa Barangay Poblacion, Tapaz, Capiz.

Patuloy namang ginagamot sa ospital ang biktima na si Noemi Dimas, na nagtamo ng sugat sa tiyan matapos barilin ni kagawad Solomon Gallenero ng Barangay Agpalali, Tapaz.

Ayon kay Police Master Sgt. Rocer Garde ng Tapaz Municipal Police Station, lumalabas sa imbestigasyon na bago mangyari ang insidente ay may pinagtalunan daw ang biktima at suspek na nauwi pa sa suntukan.

Nang mag krus muli ang kanilang landas ay binangga ng suspek ang motorsiklo ni Dimas.

Lalapit na sana si Dimas sa suspek nang bigla naman siyang barilin sa tiyan.

Mabilis na tumakas si Gallenero matapos ang insedente habang dinala naman sa ospital ang biktima para magamot ang kanyang sugat.