-- Advertisements --

LAOAG CITY – Positibo ang isinagawang search operation sa bahay ng Barangay Kagawad na tatakbong kapitan sa Barangay 4 dito sa lungsod ng Laoag.

Nakilala ito na si Barangay Kagawad Wendel Tamayo, may asawa, nasa drug watchlist ng Philippine National Police at residente sa naturang barangay.

Nakuha ng mga otoridad sa mismong cabinet na malapit sa pintuan ang 10 sachet ng pinaghihinalaang shabu, isang glass tube tooter at isang maliit na sachet na naglalaman umano ng dried marijuana leaves.

Inakusahan naman ni Tamayo ang mga otoridad na planted umano ang mga nakuhang iligal na droga lalo’t wala naman siyang iligal na aktibidad.

Iginiit pa nito na hindi nasunod ang tamang proseso dahil nang pinalabas umano sila ng mga otoridad ay may naiwan na isang pulis sa loob ng bahay kung saan nakuha ang mga nasabing illegal na droga.

Aniya, nang nasa harap na sila ng bahay niya ay nasa loob pa ang nasabing pulis dahilan para magduda.

Sinabi nito na nakakahiya ito para sa kanilang pamilya at malaki ang epekto sa kanyang kandidatura lalo’t wala naman siyang ginawang masama.

Samantala, nagulat naman si Mr. Alex Campos, ang biyenan ni Tamayo dahil wala namang iligal na aktibidad ang opisyal at ang tanging pinagkakaabalahan ay ang pagiging kagawad.