ROXAS CITY – Pinaghahanap ngayon ng mga kapulisan ang isang Barangay Kagawad, matapos itong namaril ng isang binata sa Brgy. Roxas, bayan ng Tapaz, Capiz.
Kinilala ang suspek kay Gilbert Galagate, 40-taong gulang at Brgy. Kgwd. ng nasabing barangay.
Sa impormasyon na nakuha ng Bombo Radyo sa Tapaz MPS, dakong alas-10:30 kagabi ng Linggo, ng makarinig ng putok ng baril sa labas ng kanilang bahay ang nag-iinumang sila Carlo Bulyag, 30, at Jason Dave Decipulo, 22, at iba pa nilang kaibigan.
Lumabas ang mga ito upang tingnan, at nakita nila ang nasabing suspek.
Sa kalagitnaan ng komprontasyon, agad na pinaputokan ng dalawang beses ng nasabing Brgy. Kgwd. si Bulyag, ngunit nakaiwas ito.
Sa kasamaang palad, si Decipulo ang natamaan ng bala at nagtamo ng sugat sa kanyang tiyan.
Agad itong dinala sa Tapaz District Hospital ngunit ideneklarang dead on arrival ng doktor.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na away sa lupa ang motibo nga suspek sa krimen.