LEGAZPI CITY – Arestado ang isang punong barangay matapos na makunan ng mga armas na walang kaukulang permit sa Brgy. Cabas-an, Aroroy, Masbate.
Kinilala ito na si Punong Barangay Aniano Capinig, 61, ng nasabing barangay.
Nabatid na nagsasagawa ng Comelec checkpoint ang mga operatiba ng Aroroy Municipal Police Station at Masbate 1st Provincial Mobile Force Company nang makuha sa barangay official ang isang yunit ng caliber .45 na baril na laman ang isang magazine na may kargang pitong bala at 15 spare na bala.
Hindi naman makapagpresinta ng mga dokumento sa mga otoridad ang opisyal nang hingan.
Dinala naman ito at ang mga nakumpiskang mga ebidensya sa kustodiya ng nakakasakop na himpilan ng pulis para sa kaukulang disposisyon.
Samantala, isinuko naman ni Liberato Diaz, 65, isang dentista sa Brgy Zone 8, Bulan, Sorsogon ang dalawang yunit ng baril na caliber .22 at caliber .38 revolver.
Ang mga ito ay resulta ng nagpapatuloy na kampanya na Oplan Katok ng pulisya kaugnay ng nalalapit na halalan.