-- Advertisements --

KORONADAL CITY- Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pamamaril sa pamilya ng isang brgy Kapitan at Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) Member sa Tacurong City, Sultan Kudarat.

Ayon sa Tacurong City PNP, kinilala ang mga biktimang sina Abdul Kenis Daud, 44, chairman ng Barangay Lilit, bayan ng Lambayong; at ang barangay tanod na si Kahir Kasiba sa nangyaring pamamaril sa J. Quirino Mercado Ave, Barangay Poblacion, sa nasabing lungsod.

Sugatan naman ang anak ng kapitan na kinilalang si Riannie Guiwan Daud, 21, at pamangkin ni Kapitan Daud na si Abdulrakman Daud Silawan, 22.

Lumalabas sa imbestigasyon na galing umano sa Sharia Court ang mga biktima at napadaan lamang sa isang tindahan upang bumili ng tsinelas nang pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga suspek.

Sa ngayon, blangko pa ang mga otoridad sa motibo sa pamamaril subalit hindi din isinasantabi na may kauganayan sa pulitika ang nasabing krimen.