KORONADAL CITY – Dumepensa ngayon ang barangay kapitan ng Barangay Zone 4 sa lungsod ng Koronadal hinggil sa usapin na napabilang ang pangalan ng asawa nitong may kapansanan at ang dalawang kapatid nito sa mga nabigyan ng benepisyo ng social amelioration program.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Kapitan Gener Janapon, wala umano siyang kaalam-alam na nagfill-up ng form ang kaniyang asawang si Carmelita matapos umanong nakatanggap nito mula sa purok president na nakita ang kaniyang kalagayan.
Kabilang aniya ang asawa nito sa mahigit 1,400 na mga indibidwal na kwalipikado sa pagtanggap ng naturang tulong.
Ngunit ipinaliwanag nitong nakahanda naman umanong i-waive o huwag tanggapin ang benepisyo upang mapakinabangan ng iba pa na nararapat sa naturang tulong.
Habang tinanggap naman ng kaniyang mga nakababatang kapatid na sina Eduardo at Edgardo ang kanilang assistance lalo na’t mga pintor sila ng sasakyan at nawalan ng trabaho.
Kaugnay nito, nagbabala naman si DILG-12 Regional Information Officer Arthur Condes na may pananagutan ang sinumang barangay official na makakatanggap ng benepisyong para sa mga mahihirap na mga mamamayan.