DAVAO CITY – Tiniyak ngayon ni police Brig. Gen. Marcelo Morales, regional director ng kapulisan sa Davao region na gagawin nila ang lahat para masiguro na matiwasay ang isasagawang eleksiyon sa buwan ng Mayo.
Ang pahayag ng opisyal ay may kaugnayan sa huling insidente kung saan nahuli ang isang barangay kapitan at isang brgy. tanod dahil sa paglabag sa Omnibus Election Code o gun ban.
Nasampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) 10591 o illegal possession of firearms and ammunition matapos ipatupad ng kapulisan ang search warrant na inilabas ng korte.
Una nang nakilala ang suspek na si Edgar Allan Valdez Quilla, kapitan ng Barangay Mabantao, Kapalong, Davao del Norte.
Inilabas ang search warrant ng Regional Trial Court (RTC) Branch 2 Tagum City kung saan narekober sa bahay nito ang isang caliber .45 MK IV, isang caliber .45, Norinco 1911, anim na magazine ng caliber .45 at 47 na mga bala sa nasabing mga armas.
Kabilang din sa narekober mula sa kapitan ang 45 mga bala ng 9mm na armas, tatlong bala ng caliber .38 revolver, apat na bala ng caliber .22 at isang bala ng caliber .380.
Kabilang din sa hinuli ng mga otoridad ang isang Rolando Sombilon Pamat, 44, isang barangay tanod na nasa lugar ng ipinatupad ang search warrant kung saan nakuha rin sa kanyang posisyon ang isang .38 revolver na may anim na mga bala.
Pareho na ngayon na nakakulong ang nasabing barangay kapitan at barangay tanod.