KORONADAL CITY- Sinampahan na ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang tatlong katao na naareso sa Don Rufino Alonzo Street, Corner Quezon Avenue, Poblacion 5, Cotabato City.
Kasunod ito ng isinagawang drug buy-bust operation ng mga kasapi ng Philippine Drug Enforcement Agency, 5th Special Force Battalion, Task Force Kutawato ng 6th Infantry Division Philippine Army at Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) laban sa naturang mga suspek.
Kabilang sa mga naareso ang pinaniniwalaang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na si Samin Agao Kusain; isang incumbent Barangay Secretary na kinilala lamang sa pangalan na Amira; at si Kagawad Mamalumpan Sagani.
Samantala nakatakas naman ang isang Noriza alyas Bai na kasama rin ng tatlong naaresto.
Sa nasabing operasyon, nasa 50 gramo ng shabu ang narekober na nagkakahalaga ng nasa P350,000 at mga drug paraphernalia.
Napag-alaman na ang mga naarestong suspek ay mga supplier ng shabu sa Cotabato City.
Sa ngayon nasa kustodiya na ang mga ito ng PDEA Maguindanao.