Nakadepende umano sa bigat ng involvement ng isang barangay official kung siya ay tatanggapin bilang state witness sa kaso.
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) OIC-Sec. Eduardo Año, hindi umano nila isasara ang pintuan kung ang isang opisyal ay karapat-dapat na maging state witness.
Ayon kay Año, lahat ng mga barangay officials na nasa narco list ay isinailalim sa matinding validation.
Apat umanong intelligence agency ng gobyerno ang ang nagsanib puwersa para i-validate ang mga nasabing pangalan, na kinabibilangan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), PNP, Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA).
Maari namang sumuko ang mga nasabing opisyal at sa korte na nila depensahan ang kanilang mga sarili.
Aniya, sapat ang ebidensiya na hawak ngayon ng PDEA laban sa mga narco politicians.
Ilan umano dito ay mga user, pusher, may drug lord pa umano at ang iba ay protektor ng iligal na droga.
Kinumpirma din ni Año na sa sandaling masampahan na ng kaso ang mga opisyal ng barangay na nasa narcolist otomatikong disqualified na ang mga ito sa pagtakbo.
Ipapaskil ang mga pangalan ng mga barangay officials sa kani-kanilang mga lugar nang sa gayon mabatid ng mga botante kung sino ang kanilang iboboto at hindi iboboto.
Bibigyan naman ng kopya ng narco list ang mga regional police offices sa buong bansa kasama ang PDEA.