-- Advertisements --

CEBU CITY – Nakatakdang isailalim sa state of calamity ang Barangay Tipolo sa Lungsod ng Mandaue matapos sumiklab ang malaking sunog sa Sitio Maharlika, Espina, at Basubas Compound.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Bangay Councilor Eric Estrera, sinabi nito na kasama sa kanilang agenda sa isinagawang emergency meeting ang ilalabas na calamity fund upang mabigyan ng tulong ang mga apektadong residente.

Dagdag pa ni Estrera na maraming nasunugan ang nalulungkot sa kanilang sitwasyon lalo na’t isinalba lang ang kanilang sarili mula sa malaking apoy.

Kaya naman nananawagan ang barangay councilor sa publiko na magbahagi ng tulong para sa mga residente gaya ng pagkain, damit, mga kitchen utensils, at iba pang mga pangangailangan.

Kasalukuyan namang iniimbestigahan ng Mandaue City Fire Station ang dahilan ng sunog kung saan apektado ang higit 1,000 bahay at umabot pa ito sa task force bravo.

Patuloy ding kinukumpirma ng mga fire investigators ang diumano’y pagka-trap ng dalawang bata sa loob ng residential area.