-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Natakot ang mga residente sa Barangay Lamugong, Manjuyod, Negros Oriental, nang biglang pumasok ang mga nagpakilalang miyembro ng New People’s Army (NPA) at kinontrol ang kanilang lugar sa loob ng humigit-kumulang isang oras.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay 302nd Infantry Brigade commander Brigadier General Ignacio Madriaga, hindi bababa sa 20 NPA members na armado ng hindi pa natutukoy na baril ang pumasok sa barangay hall at public market ng Barangay Lamugong kahapon.

Nagkataon namang market day sa lugar at may session din ang barangay council kaya’t labis ang takot ng mga residente.

Tinangay ng mga rebelde ang cellphone ni Punong Barangay Arsenio Cardiente kabilang na ang tatlong hand-held radio ng barangay.

Dahil dito, hindi nakapagsumbong sa mga pulis ang barangay officials.

Nanatili pa umano ang mga rebelde sa lugar sa loob ng isang oras ngunit wala naman silang sinaktan.

Ayon kay Madriaga, pananakot lamang ang ginawa ng komunistang grupo at balik na a normal ang sitwayon sa Barangay Lamugong.