-- Advertisements --

Isinara muna ng Barangay Baclaran sa lungsod ng Parañaque ang ilan sa kanilang mga border makaraang maitala nito ang una nilang kaso ng South African variant ng coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Barangay Captain Jun Zaide, kasalukuyang naka-isolate ang empleyado ng bangko na nagpositibo sa South African COVID-19 variant.

Mino-monitor na rin aniya ito ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) at nagpapatuloy din ang isinasagawang contact tracing.

Nilinaw naman ni Zaide na walang ipinatupad na lockdown sa kanilang barangay at nagpapatupad lamang daw sila ng mahigpit na patakaran sa pagsasara ng kanilang mga border.

Sa pinakahuling datos, ang Baclaran pa rin ang nagtala ng pinakamaraming aktibong kaso ng COVID-19, na nasa 67.

Paglalahad pa ng opisyal, posibleng galing sa lungsod ng Pasay ang naturang pasyente.

Hinihintay na lamang aniya nila sa ngayon ang resulta ng walo pang sample na ipinadala para sumailalim sa genome sequencing.