-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Isinailalim sa lockdown ang buong Sitio Opong, Barangay Santol sa bayan ng San Miguel, Leyte.

Ito’y matapos na makapasok ang pitong locally standed individual galing sa Las Piñas City na diumano’y umeskapo sa checkpoint at hindi sumunod sa mga health protocols.

Ayon kay San Miguel Mayor Norman Sabdao, habang biyahe ang nasabing mga returning residents mula sa Las Piñas ay naging maganda ang koordinasyon ng local government unit (LGU) sa kanila kung saan nakahanda na ang isolation facility para sa mga ito.

Ngunit nang dumating ang mga ito sa Basey, Samar, ay bigla na lamang nawalan ng contact ang LGU sa mga ito.

Kaagad namang rumesponde ang mga otoridad upang matukoy ang kinaroroonan ng pitong residente kung saan nadiskubreng lumihis ang mga ito ng daan upang makaiwas sa checkpoint at dumiretso sa bahay na inihanda ng kanilang mga pamilya.

Sa ngayon ay nailipat na sila sa isolation facility ng LGU-San Miguel at nakatakdang isailalim sa swab test kasama ang isang overseas Filipino worker mula sa Scotland na napabilang sa sasakyan pauwi ng isang pasyente na nagpositibo sa COVID-19 sa Tolosa, Leyte.

Posible ring isailalim sa lockdown ang buong San Miguel kung may magpositibo sa sakit mula sa naturang mga indibidwal.