LEGAZPI CITY – Inaalam pa ngayon ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek sa pamamaril-patay sa isang opisyal ng barangay sa Brgy. Busay, Magallanes, Sorsogon.
Nakilala ang biktima na si Arnel Hilotin, 42-anyos na barangay secretary sa naturang lugar.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng Magallanes Municipal Police Station na nagtatrabaho ang biktima sa national road ng biglang lumapit ang mga suspek.
Sinabihan umano nito ang biktima na lumayo muna sa mga katrabaho para sa ilang katanungan subalit tumanggi si Hilotin kung kaya walang habas itong pinagbabaril na nagtamo ng tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad naman na binawian ng buhay ang biktima habang mabilis na tumakas ang mga salarin.
Sa kasalukuyan ay patuloy pang pinaghahanap ang naturang mga suspek upang mapanagot sa ginawang krimen.