-- Advertisements --

CAUAYAN CITY-Humingi ng paumanhin ang isang barangay tanod na pinagsakyan ng binatilyong nawawala sa sinasabing pa iba-iba ang kanyang statement dahil sa pinagbantaan umano siya ng isang pulis na isa sa itinuturong dumukot sa biktima sa San Mateo, Isabela

Una nang napaulat na noong October 16, 2021 ay nawawala si John Eddie Ubaldo, Alyas Gubling, 17 anyos matapos dukutin ng mga umano’y naka sibilyang pulis sa Sebastian St., Brgy. 3, San Mateo, Isabela habang naglalakad pauwi kasama ang dalawang kaibigan.

Nauna na ring inihayag ni Gng. Josephine Ubaldo na batay sa unang pahayag ni Barangay Tanod Jovel Bernabe, nakaparada siya sa harapan ng isang pharmacy nang sumakay sa kanyang tricycle ang dalawang nakasibilyang pulis at inutusan siyang habulin ang grupo ng anak na kasalukuyan nang naglalakad pauwi.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Barangay Tanod Jovel Bernabe na paiba-iba ang kanyang statement dahil pinagbantaan siya ng isang pulis.

Namukhaan niya ang dalawang pulis na sumakay sa kanyang tricycle at nag-utos na sundan ang tatlong magkakasamang binatilyo at sumunggab kay Gubling.

Isinakay anya si Gubling at sumakay din ang dalawang pulis sa kanyang tricycle at pinapaamin ang binatilyo kung nasaan ang kanyang ninakaw at kapag hindi maipakita ay may masamang mangyayari sa kanya.

Hindi anya makasagot ang binatilyo dahil nakasakal ang kamay ng pulis sa leeg nito.

Namumukhaan din niya ang mga nasabing pulis dahil 7 araw na nagpupunta sa kanilang barangay at nagpapakilalang mga pulis para mag-imbestiga sa mga nagaganap na nakawan sa Barangay Tres.

Naglakas na nagsumbong ang barangay Tanod sa ina ng bata na kinuha ng mga pulis ang kanyang anak.

Natatakot anya siya dahil sa pagbabanta ng mga pulis na sangkot sa pagkawala ng binatilyo.

Ayon pa sa barangay Tanod kung ano ang sinasabi niya noong una ay gayundin naman ang kanyang sinasabi sa ngayon kayat hindi niya maintindihan kung ano ang sinasabi ng mga pulis na pabagu-bago ang kanyang statement.