-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Patuloy ang pinaigting na operasyon ng pulisya sa bayan ng Polomolok, South Cotabato laban sa kriminalidad at sa mga kasapi ng Dawlah Islamiya terror group na nagtatago sa kanilang bayan.

Ito’y matapos masawi ang tatlo sa mga subject ng search warrant operations, dalawa ang nahuli, habang isa ang nakatakas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Polomolok PNP deputy chief of police for administration PCpt. Randy Apostol, kabilang sa mga nasawi ay si Ricky Maguisulan, barangay tanod na miyembro ng Dawlah Islamiya at residente ng Barangay Koronadal Proper; Muhamad Abdul Basier bin Paucan ng Marangit Compound, Brgy. Rubber; at negosyanteng si Michael Articulo Llantino ng Barangay Poblacion matapos pawang nanlaban ang mga ito sa mga otoridad.

Nahuli naman si Abdul Rashed Marangit na residente ng Barangay Magsaysay dahil sa kasong murder at si Nonesa Macaindig ng Prk. Marangit, Barangay Rubber sa iligal na droga.

Habang nakatakas naman ang high value individual na si Alex Hetucas Esteves nang nakatunog sa mga kapulisan sa isinagawang operasyon sa kaniyang pamamahay sa Prk. Malabarbas, Barangay Poblacion matapos tumalon sa concrete fence.

Nakarekober ang mga pulis sa sunod-sunod na naturang mga operasyon ng mga armas, mga bala, mga sachet ng pinaniniwalaang shabu, at mga drug paraphernalia.