CEBU CITY – Magsasampa ang Cebu City Legal Office ng patung-patong na kaso laban sa ilan sa mga barangay volunteers na nanggipit umano sa isang medical frontliner sa Barangay Labangon sa nasabing lungsod.
Kamakailan kasi ay naging usap-usapan ang diskriminasyon umano sa isang nursing attendant mula sa isang pribadong pagamutan sa siyudad.
Batay sa video na in-upload ni Janly Grace Demol sa social media, makikitang pinagbawalan umano ng mga volunteers mula sa Sitio Callejon na makapasok ang nurse na uuwi sana mula sa kanyang trabaho.
Dahil dito, sinabi ni City Legal Officer Atty. Rey Gealon na inaalam ngayon ng mga abugado ang naturang insidente dahil isa umano itong diskriminasyon sa mga medical frontliners.
Posibleng kasuhan ang mga nakaalitan ng nurse ng maltreatment base sa Revised Penal Code, paglabag sa city ordinance na nagbabawal sa diskriminasyon sa mga frontliners, at iba pa.
Nasa 476 na ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Cebu City, kung saan 25 rito ay mula sa Sitio Callejon.