CAGAYAN DE ORO CITY-Mariing pinabulaanan ng isang mataas na opisyal ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na nasangkot ito nang panunuhol ng halos P5 million mula sa ilang bus companies sa Metro Manila.
Ito ang reaksyon ni LTFRB executive director Atty Samuel Jardin matapos pinatawan ng taltong buwan na suspension upang hindi maimpluwensiyahan ang isinagawang imbestigasyon ukol sa usapin.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Jardin na tubong Misamis Oriental, hindi umano totoo ang akusasyon na ibinato sa kanya.
Aniya, hindi rin daw nito kilala ang mga nagrereklamo laban sa kanya.
Sinabi ni Jardin na ang totoong nangyari umano ay marami itong tinanggihan na humingi ng pabor.
Tiniyak ng opisyal na hindi nito uuurungan ang kinakaharap na kontrobersya dahil alam umano niya na hindi magtagumpay ang mga taong nais dungisan ang kanyang pagkatao.
Napag-alaman na binigyan ni Transportation Secretary Arthur Tugade si Jardin ng tatlong araw upang maghain ng kanyang kasagutan kung bakit hindi ito kailangang isuspinde sa loob ng 90 na araw dahil sa kinaharap na akusasyon.