LEGAZPI CITY – Imbitado ng Department of Education (DepEd) Bicol ang mga magulang, pribadong stakeholders at iba pang organisasyon na makiisa sa isasagawang regional Brigada Eskwela 2019 na uumpisahan sa Mayo 20 hanggang 25.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DepEd Bicol information officer May Flor Jumamil, isasagawa ang regional launching sa lungsod ng Tabaco habang mayroong ilang schools division na nauna nang magbukas.
Nilalayon nito na matiyak ang malinis na paaralan bago ang pasukan sa Hunyo 3 upang maging ligtas ang pananatili ng mga bata.
Kasabay nito ang pagsasaayos ng ilang pasilidad at pagpipinta ng mga luma nang gamit.
Nilinaw naman ng opisyal na isinasagawa ang aktibidad na may pagkukusa at hindi isa sa mga requirements para sa enrolment.
Sakali namang maging available ang magulang, maari namang makilahok sa pamamagitan ng pag-contribute sa ibang gagamitin sa Brigada Eskwela o kaya’y pagpapadala ng kinatawan.