Magsisimula na sa July 22 ang isang linggong Brigada Eskwela na tinatawag ding National Schools Maintenance Week para sa School Year 2024-2025.
Magtatagal ito hanggang July 27, 2024.
Ito ay itinakda sa ilalim ng DepEd Memorandum Order No. 33 series of 2024 kung saan ang tema ngayong taon ay ‘Bayanihan Para sa Matatag na Paaralan’
Magsisilbing venue ng kick off program ngayong taon ang Carmen National High School, sa Schools Division Office ng Cebu Province.
Noong nakalipas na taon ay ginanap ito sa Tarlac National High School sa probinsya ng Tarlac.
Sa ilalim ng Brigada Program, nagtutulungan ang school administration, mga magulang, at komunidad upang linisin, ayusin, pinturahan, at kumpunihin ang mga silid-aralan, mga gamit sa eskwelahan katulad ng mga upuan at mesa, bubungan, garden, at iba pa, bago pa man ang pagbubukas ng panibagong school year.
Ngayong taon, nakatakda ang pagbubukas ng klase sa July 29, mas maaga kaysa sa dating Agusto dahil na rin sa adjustment sa school calendar ng bansa.
Batay naman sa itinakdang school calendar ngayong taon, magtatapos ang klase ng mga mag-aaral sa May 16, 2025.