CENTRAL MINDANAO – Sinibak ng liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) si Kumander Buto Sanday, brigade commander at G3 ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF).
Napatunayan daw ng MILF na si Kumander Sanday ay sangkot sa kaguluhan sa hangganan ng Pikit, Cotabato at Pagalungan, Maguindanao.
Ang kautusan ay inilabas ng general staff at inisyu ni MILF Chief of Staff Sammy Al Mansour.
Bago lang ay sinalakay ng grupo ni Sanday ang mga kapwa MILF members malapit sa kampo ni Jack Abas, front commander ng Eastern Mindanao Front.
Nakisawsaw rin si Kumander Sanday sa alitan o rido nang magkalabang pamilya sa bayan ng Pikit.
Hindi umano alintana ni Sanday ang kaligtasan ng mga sibilyan sa mga nangyaring labanan at hindi na rin sumusunod sa kautusan ng liderato ng MILF.
Nagpasya kaagad ang pamunuan ng MILF at tinanggal si Sanday bilang miyembro ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF).
Todo bantay naman ang Task Force Itihad ng MILF katuwang ang militar sa posibleng paglunsad ng pananalakay ng grupo ni Kumander Sanday bilang kanilang pagganti.