-- Advertisements --
PMA CADET
Cadet 4th Class Darwin Dormitorio

BAGUIO CITY – Nagbitiw na sa pwesto ang brigade commander ng cadet corps ng Philippine Military Academy (PMA) ilang linggo matapos ang insidente ng hazing na naging dahilan sa pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.

Ayon kay PMA Commandant of Cadets Brig. Gen. Romeo Brawner Jr., nagbitiw si Cadet 1st Class Ram Michael Navarro ng PMA “Masidlawin” Class of 2020 bilang corps commander.

Aniya, sinundan ni Cadet Navarro ang pagbibitiw sa pwesto nina resigned PMA Superintendent Lt. Gen. Ronnie Evangelista at resigned PMA Commandant of Cadets Brig. Gen. Bartolome Bacarro.

Unang nagbitiw sa pwesto sina Evangelista at Bacarro dahil sa command responsibility noong September 24, anim na araw matapos pumanaw si Dormitorio.

Samantala, napili naman ang mistah ni Cadet Navarro na si Cadet 1st Class Marion Dale Cordova bilang bagong brigade commander ng PMA Cadet Corps.

Ikinokonsidera ang brigade commander o corps commander na “top cadet” ng akademya na napili mula sa mga top-performing members ng graduating class.

Samantala, ipinangako ng bagong liderato ng PMA na ipapasakamay nila sa mga pulis ang pitong upperclassmen na mga suspek sa pag-hazing kay Cadet Dormitorio kung may warrant of arrest na ang mga ito mula sa korte.

Napag-alaman na lima sa mga ito ay naka-detain sa military stockade habang ang dalawa ay sa holding center ng akademya.

PMA CADETS FORMATION