-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Upang masigurado ang kaligtasan laban sa coronavirus disease o COVID-19 pandemic, ipinapatupad sa Boracay ang pagdadala ng sariling eating utensils kapag kakain sa mga dine-in restaurants sa isla.

Ito ay batay sa ipinalabas na Executive Order No. 27 ni Malay Mayor Frolibar Bautista.

Simula Hunyo 1 matapos isailalim ang Aklan sa modified general community quarantine, sinimulan rin ng mga kainan sa isla ang kanilang dine-in operations.

Ang mga restaurants ay pinapayagang tumanggap ng 50 porsiyento ng kanilang capacity, ngunit mas pinapaburan pa rin ng health authorities ang delivery o takeout.

Sa kabila nito, hindi pa pinapayagan ang buffet services na patok sa mga dayuhang turista.

Kailangan rin ng mga customers na sumunod sa ‘Clean As You Go’ nga konsepto sa pagtatapon ng basura o kinainan.

Layunin ng nasabing hakbang na maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease o COVID 19.

Maliban sa social distancing at pagsusuot ng face mask, hinihikayat ang mga turista na magdala ng sariling disinfectant at hand sanitizer sa mga pampublikong lugar.