Nanindigan ang Department of Education (DepEd) na wala silang otoridad na ipasara ang mga community learning hubs na itinayo ng tanggapan ni Vice President Leni Robredo.
“Wala kaming awtoridad na patawan ng parusa or anuman ang OVP dahil wala iyan sa aming mandate sa Department of Education. Iba sigurong ahensiya ng gobyerno ang tumitingin diyan,” wika ni DepEd Sec. Leonor Briones.
Sa kasalukuyan, mayroong 12 community learning hubs sa Luzon at Visayas kung saan may free access ang mga mag-aaral sa mga computers, gadgets, equipment, internet at mga tutor.
Gayunman, sinabi ng DepEd na wala silang binigay na basbas sa proyekto dahil sa polisiya ng Pangulong Rodrigo Duterte na bawal pa rin ang pagsasagawa ng face-to-face classes upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Tugon naman ni OVP spokesperson Atty. Barry Gutierrez, hindi naman daw kinontra ng DepEd ang pagtatatag ng mga hubs at sa katunayan ay pinuri pa raw ng kagawaran ang naturang inisyatibo.
Giit din ni Gutierrez, ang nasabing mga pasilidad ay hindi nakalaan para maging classroom o para sa face-to-face instruction.
Binigyang-diin ni Briones, posibleng nagkaroon ng miscommunication sa panig ng DepEd at ng OVP hinggil sa isyu.
“Mukhang nagkaroon ng miscommunication pero may exchange of letters kami which we have made public dahil pinadala naman namin iyon sa Presidente at walang phrase or word na nagsasabi na you are authorized to proceed with your program,” ani Briones.
“Ang sagot namin doon ay humingi kami ng description, further explanations, etcetera but hindi kami nagbibigay ng permiso dahil alam namin ang pronouncement ng Presidente.”