Magpapatupad ng dalawang taong pilot implementation program ang Department of Education (DepEd) para sa Reserved Officers Training Corps (ROTC) sa oras na mapagtibay ang panukalang batas na nagbabalik sa nasabing mandatory military training program.
Sinabi ni Education Undersecretary Alan Pascua, kung maipasa ang panukalang batas bago June 7, posibleng magiging epektibo bilang ganap itong batas sa Hunyo, depende kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Usec. Pascua, hindi nila agad ipatutupad ang ROTC sa lahat ng Grades 11 at Grades 12 sa buong bansa kundi sa 100 paaralan lamang.
“Ang isang provision na nakalagay doon sa Senate version, we proposed a two-year pilot implementation program. Meaning, we will not implement the law fully to cover all Grades 11 and 12 for all schools pagkapasa niya as batas, kung hindi we put there a two-year pilot implementation program – that would only cover about 100 schools as a pilot implementation,” ani Usec. Pascua.
Ang Grade 11 at Grade 12 ay katumbas ng ng unang dalawang taon sa kolehiyo bago ipinatupad ang K-12 program.
Kaugnay nito, inihayag din ni Education Sec. Leonor Briones na pabor siya sa pagbabalik ng mandatory ROTC lalo ipinanganak siya noong panahon ng World War.
Mahalaga raw ito para may agarang pagkukunan ng depensa sakaling magkaroon ng giyera at hindi maaaring iasa sa ibang bansa ang pagdepensa sa ating bansa.
Inihalimbawa ni Sec. Briones ang karanasan noong World War II kung saan ROTC ang unang dumipensa nang atakihin ng Japan ang Pilipinas dahil mga nasabing kadete ang pinakamadali at pinakamabilis na i-mobilize.
“Ah, before I turnover the microphone to Usec. Alain, kasi siya ang very knowledgeable on the mandatory—I’d like to state that I am in favor of the mandatory ROTC for senior high school, kasi equivalent ‘yan ng first two years of college noong dati. Ako siguro ang pinaka-senyora, pinaka-lola dito sa kuwartong ito. Pinanganak ako noong panahon ng World War [laughs]. Eh hindi pa ninyo—ang nakikita ninyo mga movies lang ng World War,” ani Sec. Briones.