Arestado ng Bureau of Immigration (BI) ang isang British national matapos na umano’y masangkot sa gang activities, tulad ng extortion at mga krimen na may kinalaman sa droga.
Kinilala ang nasabing dayuhan na si Darren Mark Wall, 44 taong gulang, na ikukulong sa BI holding facility sa Taguig City habang nakabinbin ang proseso ng deportation case nito.
Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na bagama’t mayroong permanent resident visa sa Pilipinas si Wall matapos na makasal ito sa isang Pinay ay maaari pa rin itong maipa-deport pabalik sa kanyang bansa kung mapapatunayang undesirable alien ito.
Una nang naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Wall at kanyang asawa noong nakaraaang buwan nang dahil sa alegasyong nang-atake raw ito ng kapwa mga dayuhan sa tatlong magkakahiwalay na nightclub sa Makati City.
Ayon sa mga awtoridad, modus operandi umano nito na takutun muna ang kanyang biktimang pawang mga dayuhan din bago mangikil ng pera mula sa mga ito.
Samantala, pinaalalahanan naman ni Morente ang lahat ng foreign nationals na naninirahan ngayon sa Pilipinas na sumunod sa mga ipinatutupad na batas sa bansa dahil kung hindi ay maaari silang arestuhin, i-deport, at ipagbawal na makabalik pang muli sa bansa.