-- Advertisements --

Sinalag ng ilang mga senior officials ng United Kingdom si British Ambassador to the US Kim Darroch mula sa maaanghang na salita sa kanya ni US President Donald Trump.

Nag-ugat ang isyu sa panunuya umano ni Darroch kay Trump sa ilang mga nag-leak na email kung saan tinawag nito ang American chief executive bilang “incompetent” o walang kakayahang pamunuan ang kanyang bansa.

Ikinagalit ito ni Trump at sinabing hindi na raw nito pakikitunguhan ang British envoy.

Sa pahayag ng tagapagsalita ni British Prime Minister Theresa May, buo pa rin daw ang paniniwala ng opisyal kay Darroch na ginagawa lamang daw ang kanyang trabaho.

Gayunman, hindi raw sang-ayon si May sa pambabatikos ni Darroch kay Trump at nakipag-ugnayan na raw ang London sa Washington upang sabihin hindi katanggap-tanggap ang hindi sinasadyang paglabas ng mga email.

Ayon naman kay Foreign Secretary Jeremy Hunt, napakahalaga pa rin umano para sa mga UK diplomats na ibigay sa kanila ang prangka nilang mga assessment sa bansang kanilang kinaroroonan.

Sinabi pa ni Hunt na magsasagawa sila ng imbestigasyon sa leaking incident upang matukoy ang puno’t dulo nito.

Haharap din umano sa “very serious consequences” ang sinumang responsable sa pangyayari.