Pinayagan na ng bansang Iran na maglayag ang British oil tanker na Stena Impero kung saan merong isang Pinoy na tripulante makalipas ang mahigit dalawang buwan na pagpigil.
Una nang hinuli ng Iran Revolutionary Guards ang Stena Impero habang naglalayag sa Strait of Hormuz noong July 19 dahil sa “maritime violations.”
Kinumpirma na rin ni Allahmorad Afifipour, ang general manager ng Iran Hormozgan Maritime and Ports ang pag-release sa British tanker at papalaot na rin ito sa international waters matapos ang pag-alis sa Bandar Abbas port ng Iran.
Umaabot sa 23 ang mga crew members ng tanker, kabilang ang 18 Indians, tatlong Russians, isang Latvian at isang tripulanteng Pinoy.
Pito sa mga crew members ng oil tanker ang unang pinakawalan ng Iran.
Bago ito,tiniyak ng DFA at ni Philippine Ambassador to Iran Fred Santos na nakipag-ugnayan na sila sa Iranian authorities para sa agarang pagpapalaya sa Pinoy seaman na hindi muna isinapubliko ang pangalan.
Igiit naman ng Iran na wala umanong kinalaman ang paghuli nila sa barko bilang ganti sa pagpigil din ng Britanya sa Iranian supertanker Grace 1 sa karagatang sakop ng Gibraltar.