-- Advertisements --

Kinumpirma ni UK Prime Minister Boris Johnson sa isang phone call kay European Union president Donald Tusk na magpapadala raw ito ng liham na hihiling sa pagpapaliban pa sa kasunduang pagkalas ng Britanya sa EU.

Ito’y kahit nauna nang nanindigan si Johnson na hindi raw ito makikipagnegosasyon para sa pagpapalawig pa ng pananatili ng UK sa EU.

“Waiting for the letter,” saad sa tweet ni Tusk. “I just talked to PM Boris Johnson about the situation after the vote in the House of Commons.”

Sa oras na matanggap ni Tusk ang liham, agad niya raw itong ikokonsulta sa iba pang mga EU leaders, na posible raw abutin ng ilang araw.

Sinabi naman ng ilang mga opisyal sa Brussels na wala raw dudang pagbibigyan ang extension request kahit na may alinlangan ang prime minister sa nasabing pasya.

Bago ito, bumoto ang mga miyembro ng parliyamento ng UK para puwersahin si Johnson na humirit sa EU na muling i-delay ang Brexit.

Matapos ang matinding drama sa House of Commons, umalma ang MPs na panigan ang divorce agreement hangga’t hindi pa naipapasa ang kaakibat nitong batas. (The Guardian)