Nangako si UK Prime Minister Boris Johnson na maisasakatuparan na ang pagkalas ng Britanya sa European Union (EU) matapos itong magwagi sa ginanap na eleksyon.
Sa nangyari kasing halalan, nakakuha ng 365 seats ang Conservative party ni Johnson mula sa 650-seat parliament, na pinakamalaking bilang ng mayorya mula sa panahon ni Margaret Thatcher noong dekada 80.
Ayon kay Johnson, tutuldukan na raw nito ang umano’y mga kalokohan at tutuparin ang Brexit sa deadline nito sa Enero 31.
“We did it — we pulled it off,” wika ni Johnson sa kanyang mga tagasuporta. “We broke the gridlock, we ended the gridlock, we smashed the roadblock.”
Tinawag din ni Johnson na political “earthquake” ang kanyang tagumpay, ngunit nagbabala naman ang mga lider ng EU na marami pa raw kailangang pagdaanan bago mangyari ang Brexit.
Samantala, nagtungo sa Buckingham Palace si Johnson upang tumanggap ng pormal na utos mula kay Queen Elizabeth II na bumuo ng bagong pamahalaan.
Kaugnay nito, agad naman nagpaabot ng kanyang pagbati si US President Donald Trump kay Johnson at sinabing maaari raw itong magkaroon ng malaking trade deal sa UK matapos ang Brexit sa susunod na taon.
“His deal has the potential to be far bigger and more lucrative than any deal that could be made with the E.U. Celebrate Boris!” saad ni Trump. (AFP)