LONDON – Ikinokonsidera umano ni British Prime Minister Theresa May ang posibleng ikaapat na pagtatangka para mailusot sa parliyamento ang isinusulong nitong kasunduan na pagkalas ng United Kingdom sa European Union (EU).
Matapos na mabigo si May na masuyo ang mga MPs sa kanyang Brexit plan nitong Biyernes, sinabi nito na kailangan daw ng isang “alternative way forward” para maisulong ang withdrawal process.
Ang agreement ay bahagi ng Brexit deal na napagkasunduan nina May at ng Brussels na siyang nagtatakda ng halaga ng perang ibabayad ng UK sa EU bilang settlement.
Kasama na rin dito ang mga detalye ng transition period at mga arrangement para sa Irish backstop.
Sa Lunes naman ay susubukan ng mga MPs sa lahat ng partido na ikonsidera ang iba pang mga opsyon, kasabay ng ikalawang round ng “indicative votes.â€
Ngunit ayon kay Conservative Party chairman Brandon Lewis, hindi raw sinusuportahan ng pamahalaan ang iba pang mga opsyon.
“We believe the best way to respect the referendum is to deliver the deal,” wika ni Lewis.
Tiniyak naman ng mga tagapagsalita ni May na tinutumbok nila ang “tamang direksyon,” lalo pa’t suportado ng nakararami ang deal ni May kahit nabigo ito sa parliyamento.
Sa ginanap na ikatlong botohan nitong Biyernes, mayroon lamang natanggap na 286 boto pabor sa Brexit deal, habang 344 ang kumontra. (AFP/BBC)