-- Advertisements --

Tuluyang pinagbawalang manood ng lahat ng women’s tennis game ang isang lalaki matapos umano ang hindi magandang pakikitungo nito kay British player Emma Raducanu.

Ayon sa Women’s Tennis Association (WTA), hindi na nila papayagang manood pa ng anumang tennis event ng mga kababaihan ang hindi na pinangalanang suspek.

Pinalabas agad ang lalaki sa kasagsagan ng Dubai Tennis Championship matapos ang tila pagkabahala ni Raducanu.

Bago kasi ang laro ni Raducanu ay lumapit pa ito sa kaniya sa publiko at nakitang nanood pa sa first row.

Bago ang pagsisimula ng ikalawang set ng laban ni Raducanu kay Karolina Muchova ng Czech Republic ay emotional ang British tennis player na lumapit sa umpire at nagtago pa ito sa upuan ng umpire.

Nilapitan din siy ni Muchova para i-comfort ang British tennis player at itinuloy ang laban.

Tiniyak naman ng WTA na kanilang prioridad ang mga kaligtasan ng kanilang manlalaro sa anumang international sporting events.

Nakikipag-ugnayan na rin ang WTA sa kampo ni Raducanu para matiyak ang kaniyang kaligtasan at kalagayan.

Dahil sa nasabing insidente ay natalo si Raducanu ng World number 17.