Muling naiyak sa kanyang pagtestigo sa korte sa Amerika ang pop superstar na si Britney Spears sa ikalawang pagdinig ngayong buwan kaugnay sa isyu sa conservatorship sa kanyang kayamanan.
Tumestigo si Spears, 39, sa pamamagitan ng telepono habang humahagulhol.
Nanawagan siya sa judge na dumidinig ma kasuhan ang kanyang ama na si Jamie Spears dahil sa pag-abuso sa pangangalaga sa kanyang career sa loob ng 13 taon.
Una nang nag-resign ang court appointed attorney ni Britney at ang wealth management firm matapos ang alegasyon ng singer na hindi na siya masaya sa conservatorship na nagsimula noon pang taong 2008.
Noong panahon ‘yon lumutang ang isyu na namroblema ang pop icon sa kanyang mental health kaya itinalaga ang ama niya at kompaniya na ayusin ang kanyang finances.
Humarap din sa hearing ang bagong abogado ni Britney na si dating federal prosecutor Mathew Rosengart, isang veteran entertainment litigator.
Kabilang sa mga hinaing ni Spears na nagpasikat sa awiting “Baby one more time,” ay dahil halos patayin na raw siya ng kanyang ama na hindi man lang daw siya pinapainom ng kape, sapilitan siyang pinagpi-perform, pinaiinom ng gamot at pilit umano siyang pinainom ng birth control pills.
Habang nagkakaroon ng court hearing nagsagawa naman ng protesta ang mga fans para sa kanya.
Marami na ring mga politiko at Hollywood stars ang nagpaabot nang suporta sa kanya tulad nina Madonna, Mariah Carey, Christina Aguilera at iba pa.
Matapos ang pagdinig sa kaso nagpaabot nang pasasalamat si Britney sa pamamagitan ng kanyang Twitter message. May video rin itong nakasakay sa kabayo at nagptumbling pa.
“Coming along, folks … coming along Reversed hand with middle finger extended!!!!! New with real representation today … I feel GRATITUDE and BLESSED !!!! Thank you to my fans who are supporting me … You have no idea what it means to me be supported by such awesome fans !!!! God bless you all !!!!!”