CAGAYAN DE ORO CITY – Gusto ngayon ng Bureau of Customs (BoC) na papanagutin ang broker na nasa likod ng dalawang beses na pagpupuslit ng imported garbage na nagmula sa South Korea at Australia patungo sa Misamis Oriental.
Ito ay matapos matukoy na ang F2 Logistics Philippines Incorporated na nakabase sa Paranaque City ang customs broker para makapasok sa bayan ng Tagoloan ng lalawigan ang mga basura sa Australia na pagmay-ari ng kompaniyang Holcim Philippines Incorporated na nakabase sa bayan ng Lugait.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Mindanao Container Terminal collector John Simon, ipapasilip nila sa kanilang legal department kung ano na paglabag ng customs laws ang maaaring nalabag ng kompaniya.
Inihayag ni Simon na ang nabanggit na kompaniya rin ang nasa likod nang pagkapasok ng higit isang barko na mga basura na pagmay-ari ng Verde Soko Philippines Incorated na mula South Korea noong Hulyo at Oktubre 2018.
Magugunitang una nang iginiit ng Customs na dalawang provisions ng Customs laws ang nalabag ng Holcim dahil pinasok ang 162 tonelada ng basura sa Misamis Oriental na hindi tama ang deklarasyon at klasipikasyon na dumating sa bansa Mayo 7, 2019.
Subalit kinatigan naman ng DENR-EMB Northern Mindanao ang iginiit ng Holcim na “processed engineered fuel” ang kargamento at hindi umano magbibigay panganib para sa kalusugan ng publiko at kalikasan.