Ayaw umano ni Lebron James na tawagin siyang ‘dad’ ng kanyang anak na si Bronny James kapag maglalaro na ang mga ito sa susunod na season.
Ang mag-ama ay nasa ilalim ng Los Angeles Lakers matapos kunin ng team ang batang James bilang No.55 overall pick sa 2024 NBA draft.
Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng NBA na aktibong maglalaro ang mag-ama.
Ayon kay Lebron James, hindi siya maaaring tawaging ‘dad’ ng kanyang anak kapag nasa court na ang mga ito at naglalaro laban sa mga NBA team.
Gayunpaman, kapag nilisan na umano nila ang NBA facilities at isinara ang pintuan, balik na uli siya bilang kanyang ama, mula sasakyan hanggang pagbalik sa kanilang bahay.
Biro ni Lebron, maaari umano siyang tawagin ng kanyang anak bilang ‘2-3’, ‘Bron’, o kung hindi man ay ‘GOAT’.
Ayon sa 4-time NBA champion, ayaw niyang tumatakbo sila sa court, at biglang maririnig si Bronny na tumatawag sa kanyang Dad habang hinihingi ang basketball.
Ang 2024-2025 season ay ang ika-21 season ni Lebron sa NBA. Kamakailan ay pumirma siya ng $104 million kontrata para sa dalawang taon sa Lakers.
Pumirma rin si Bronny ng apat na taong kontrata na nagkakahalaga ng $7.9 million.