Isang panalo na lamang ang kailangan ng powerhouse team na Brooklyn Nets para umusad sa Eastern Conference Finals matapos na maipanalo ang crucial Game 5 laban sa Milwaukee Bucks, 114-108.
Sa ngayon kasi abanse na sa 3-2 ang Brooklyn sa nagpapatuloy na NBA semifinals.
Makapigil hininga ang bawat sandali sa harapan ng magkaribal na teams at sa huli sumandal ang Nets sa historic triple double performance ng superstar na si Kevin Durant.
Nagpakitang gilas sa kanyang all-around performance ang veteran at two-time Finals MVP na kumamada ng 49 points, 17 rebounds at 10 assists sa loob ng 48 minuto na pagkababad sa court.
Si Durant ang unang player na nagtala ng 45 points o higit pa na puntos, 15 rebounds at 10 assists sa isang playoff game.
Malaking tulong din ang nagawa niya sa fourth quarter na nagbuhos ng 20 puntos.
Kabilang na ang pinakamahalagang 3-pointer na may 50 seconds ang nalalabi upang protektahan ng Nets ang one-point lead.
Naibulalas tuloy ng NBA great at Nets head coach na si Steve Nash na “makasaysayan” talaga ang ipinakita ng 32-anyos na si Durant.
“Historic historic performance,” wika pa ni coach Nash.
Samantala hindi pa rin nakakalaro ang isa sa Big Three na si Kyrie Irving.
Habang si James Harden ay nagbalik na rin mula sa injury pero meron lamang limang puntos.
Nag-ambag naman si Jeff Green ng pitong seven 3-pointers mula sa kabuuang 27 points para sa Nets, gayundin si Blake Griffin na tumulong sa 17 points.
Sa panig ng Bucks nasayang ang 34 points at 12 rebounds ng dating MVP na si Giannis Antetokounmpo.
Aminado rin si Antetokounmpo na si Durant ang “best player in the world” na kailangang talunin nila bilang iisang team.
“He’s the best player in the world right now and we’ve got to beat him as a team,” ani Giannis. “We’ve got to guard him as a team.”
Sa kabilang dako ang Game 6 ay gagawin sa Biyernes doon sa teritoryo ng Milwaukee kung saan nabokya sila sa 4-0 laban sa Nets ngayong season.