Hindi pinaporma ng powerhouse team na Brooklyn Nets at mistulang masaker pa ang ginawa sa Milwaukee Bucks matapos ilampaso sa score na 125-86, sa Game 2 ng NBA semifinals.
Mula sa simula ay walang patawad ang opensa ng Nets sa pangunguna ng dating MVP na si Kevin Durant na kumamada ng 32 points, six assists at four rebounds sa 33 minutes na paglalaro na sinuportahan naman ni Kyrie Irving gamit ang 22 points, six assists at five rebounds.
Mistulang baliwala sa Nets ang pagkawala ng isa sa Big Three na si James Harden dahil sa injury.
Epektibo kasing pinunan ni Bruce Brown ang puwesto ni Harden kung saan nagtapos siya sa 13 points at six rebounds.
Nagbigay din ng dagdag na excitement sa mga fans ang inilaro ni Blake Griffin na nagpakita ng dalawang beses na slamdunk kasama na ang isa sa mukha ni Giannis.
Nag-ambag ito ng seven points, walong rebounds at isang steal at block.
Wala rin namang nagawa ang reigning MVP na si Giannis Antetokounmpo na meron lamang 18 points at 11 rebounds.
Inalat pa sa ilang mga tira si Giannis na halatang dismayado sa kanilang matchup kay Durant.
May pagkakataon na inabot pa ng 49 points ang naging kalamangan ng Nets kontra sa itinuturing na highest scoring team na Bucks.
Kabilang pa sa milestone na naiposte ng Nets ay ang bagong franchise playoff record na 21 naipasok na 3-pointers.
Wala ring nagawa ang iba pang mga stars ng Bucks kung saan si Khris Middleton ay nagtala ng 17 points at si Jrue Holiday ay nagpakita naman ng 13.
Sa Biyernes sa Game 3 ay pagkakataong makabangon ng Milwaukee sa dalawang sunod nilang pagkatalo.
Tutungo ang Bucks sa kanilang teritoryo na dati na nilang natalo ng dalawang beses ang Brooklyn noong buwan ng Mayo.