Nagsama ng puwersa sina Jaylen Brown at Jayson Tatum upang bitbitin ang Boston Celtics sa ikalimang sunod na panalo upang ibaon sa kahihiyan ang Cleveland Cavaliers, 129-117.
Napantayan ni Brown ang kanyang dating career high na 34 points habang si Tatum ay merong 24 sa first half pa lamang sa kabuuang 30 points.
Agad namang pinuri ni Boston coach Brad Stevens ang kanyang mga batang NBA stars na hirap matapatan ng Cavs.
Partikular na tinukoy ng coach ang pagiging consistent ng dalawa na lalo lamang daw gumagaling habang dumadaan ang panahon.
Si Brown ay may sunod-sunod na ring 30-point games sa kanyang career kung saan nito lamang nakalipas na Christmas Day win ay meron siyang 30 sa panalo laban sa Toronto.
Nag-ambag naman sina Enes Kanter ng 14 points at Kemba Walker na nagtapos sa 13 para sa Boston (22-7) para mapaganda pa ang kanilang 13-1 record sa kanilang home games.
Sa kabilang dako, nasayang naman ang diskarte ni Kevin Love na napantayan din ang kanyang season high na 30 points at seven rebounds para sa Cavaliers (9-22).
Si Collin Sexton ay nagdagdag ng 21 points.
Naglaro na rin sa kanyang debut game ang dating Jazz guard na si Dante Exum na ipinalit kay Fil Am Jordan Clarkson at dalawang future second round-picks.
Sinuot ni Exum ang No. 1 jersey at nagpakita siya ng nine points sa loob ng 15 minuto na paglalaro.