Nagsagawa ng panibagong panghaharass ang barko ng China Coast Guard (CCG) laban sa Philippine Coast Guard (PCG) vessel sa may baybayin malapit sa Zambales nitong hapon ng Linggo, Abril 6.
Sa ibinahaging video ni PCG spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela, makikita ang pagsasagawa ng reckless at mapanganib na maniobra ng CCG 3302 na hinarang at nilapitan pa ang BRP Cabra at muntikang banggain sa kabila ng radio challenge mula sa PCG para igiit ang iligal na pagpapatroliya ng Chinese vessel sa naturang karagatan, na ayon kay Tarriela ay hayagang pagbalewala sa kaligtasan.
Nagdudulot naman ito ng concern tungkol sa pagsunod ng China Coast Guard sa Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea, 1972 (COLREGs), kung saan kabilang ito sa mga lumagda.
Sa kabila nito, ayon kay Comm. Tarriela, nagawang makaiwas ng BRP Cabra at napigilan ang posibleng banggaan sa pamamagitan ng seamanship skills o kasanayan sa paglalayag at propesyunalismo ng mga crew ng BRP Cabra.
Nagawa din ng BRP Cabra na maitaboy ang parehong Chinese vessel sa tinatayang 92 hanggang 96 nautical miles mula sa baybayin ng Capones island.
Ang hakbang na ito ng PCG ay nagpapakita ng commitment nito sa pagprotekta sa maritime interest ng PH at pagpigil sa normalisasyon ng mga iligal na aktibidad ng People’s Republic of China sa West Philippine Sea.