Kinompronta ng barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Cabra ang isa sa pinakamalaking fisheries research vessel ng China na Lan Hai 101 na namataang nag-ooperate malapit sa baybayin ng lalawigan ng Pangasinan.
Sa isang statement na ibinahagi ni PCG spokerperson for the West Philippine Sea Comm. Jay Tarriela nitong gabi ng Miyerkules, namataan ang naturang barko na tinatayang nasa 25 nautical miles mula sa baybayin ng Pangasinan.
Kaugnay nito, iginiit ng PCG vessel na ang mga aktibidad ng naturang Chinese vessel ay pasok sa exclusive economic zone ng Pilipinas na nagpapakita ng mga paglabag ng Philippine Maritime Zones Act, United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Award.
Maliban dito, matagumpay na napigilan din ng BRP Cabra ang China Coast Guard 3304 mula sa paglapit sa coastline ng Zambales. Sa kabila ng mas maliit na size ng barko ng PH, epektibo pa rin aniyang napanatili ng BRP Cabra ang distansiya na 78 hanggang 85 nautical miles sa pagitan ng Chinese vessel at exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Tiniyak din ng PCG na nanatili itong determinado sa pagtugon sa mga iligal na presensiya ng Chinese maritime forces. Hindi din nito hahayaan ang anumang pagbabago sa status quo sa pamamagitan ng panghihimasok sa coastlines sa Luzon.
Inihayag din nito na ang patuloy na presensiya ng BRP Cabra ay nagpapakita ng hindi natitinag na dedikasyon para sa pagpapatibay ng soberaniya at matibay na posisyon laban sa mga paglabag sa international law kaakibat ng pagprayoridad sa mapayapang resolusyon.