Matagumpay na naharang ng barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Cabra ang China Coast Guard (CCG) vessel na may bow number 3103 na mas makalapit pa sa Zambales.
Sa ibinahaging video ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela sa kaniyang X account, makikita ang patuloy na masinsinang pagmamanman ng BRP Cabra sa iligal na presensiya ng barko ng China sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Aniya, ang stratehikong maniobra ng BRP Cabra ay epektibong napigilan ang paglapit pa ng CCG vessel sa coastline ng Zambales.
Sa pamamagitan din aniya ng kasanayan sa paglalayag ng PCG personnel lulan ng BRP Cabra, matagumpay na naitaboy ang CCG 3103 at nasa lokasyon na tinatayang 80 hanggang 90 nautical miles mula sa baybayin ng Zambales.
Gayundin, oras-oras nagi-isyu ng radio challenge ang crew ng BRP Cabra para abisuhan ang mga Chinese crew ng kanilang hayagang paglabag sa international law.
Kaugnay nito, nananatili namang committed ang PCG sa pagprotekta sa maritime rights ng bansa at pagsiguro sa pagpapatupad ng international maritime laws kaakibat ng pag-iwas sa anumang escalation o paglala pa ng tensiyon sa naturang katubigan.