Patuloy ang oras-oras na pagi-isyu ng radio challenge ng crew ng barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Cabra laban sa mga barko ng China Coast Guard.
Ito ay kasunod ng muling pagsasalitan ng China Coast Guard 3103 at ng mas malaking barko ng China na CCG 3304 sa may baybayin malapit sa Zambales dakong alauna ng hapon nitong Biyernes, Enero 24.
Sa ibinahaging statement ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, maaaring may intensiyon ang CCG 3304 na i-outmaneuver ang BRP Cabra dahil sa size at speed nito.
Ang CCG 3304 ay may habang 111 meters at lapad na 46 meters, mas malaki kesa sa CCG 3103.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagpalit ang 2 barko ng China dahil noong Enero 21, pinalitan ng CCG 3103 ang CCG 3304 na kasama noon ng CCG 5901 o Monster ship na iligal na nag-operate sa baybayin malapit sa Zambales.
Samantala, sa kabila ng laki ng CCG 3304, maliban sa patuloy na oras-oras na pag-isyu ng barko ng PH ng radio challenge ay inaabisuhan din ang CCG vessel sa iligal na presensiya nito sa loob ng exclusive economic zone ng ating bansa.
Nagpapakita naman aniya ang hindi natitinag na commitment ng BRP Cabra sa dedikasyon ng PCG sa tungkulin nito na protektahan ang maritime rights ng PH sa West Philippine Sea.